166

Nov 1, 2017 @ 16:04

Mayor Sara ayaw maging presidente – Duterte

Pinawi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga haka-haka na tila naghahanda na si Davao City Mayor Sara Duterte para maging susunod na Presidente ng bansa.

Sa harap na rin ito ng inilunsad na “Tapang at Malasakit Alliance” na tila paramdam na ng alkalde para sa 2019 elections.

Sinabi ng Pangulo na hindi interesado ang kanyang anak na sundan ang kanyang puwesto.

Katunayan ayon sa Presidente ay maski ang pagiging alkalde ay ayaw na ng kanyang anak at naghain na ito ng letter of resignation noong nakalipas na taon pero napigil lang niya ito.

“Wala yan. No. Inday is not interested. You know, im telling you the truth. She did not want to be the Mayor, and I have a letter of her resignation,” ang pahayag ng Pangulo.

Sinabi pa ng Pangulo na pinaliwanagan niya si Sara na boses ng tao ang nagluklok sa kanya para maging alkalde kaya dapat na sundin ang mga ito.

Nauna rito, umikot ang haka haka na tila nagpaparamdam na ang alkalde para sa mas mataas na puwesto sa susunod na eleksiyon. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?