36

Dec 6, 2020 @ 10:26
By

Mayor Rex sa NLEX: Solutions ngayon hindi bukas!

Wala umanong kongkretong plano ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) upang ayusin ang cashless payment system nito.

Punto ito ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian nang isapubliko niya ang tugon sa kanya ng NLEX hinggil sa pagbigat ng trapiko sa lungsod buhat nang ipatupad ang radio frequency identification (RFID) toll collection system noong Disyembre 1.

“Matagal na po yan RFID niyo na sira, noon lang minority ng lanes niyo ang RFID kaya hindi lahat napapansin. Pero ngayon na mandatory na sa lahat gamitin, lumalabas ang mga problema na matagal na dapat nasugpo kung binigyan niyo lang ng sapat na attention,” tweet ng alkalde, Disyembre 5.

“The Cityhall in our letter asked for concrete action plans and solutions. Clearly, this letter did not do so,” aniya pa.

Sa liham ni J. Luigi Bautista ng NLEX Corp. kay Gatchalian, humihingi sila ng 15 araw na palugit para matugunan ang nasabing isyu para umano matingnan nila ang mga concern at challenge na kinahaharap sa “very early stage” ng pagpapatupad ng RFID system sa NLEX/SCTEX network.

Pinalagan ng alkalde ang nasabing hiling ng korporasyon.

“The suffering Valenzuelano public can no longer wait for another 15 days as you requested. The suffering has to stop. Its already taking its toll on the economic, mental, and general well being of our citizens. SOLUTIONS NGAYON HINDI BUKAS,” bulalas ni Gatchalian.

“In short this letter falls short of concrete action plans, solutions and fixes,” dagdag niya.

Una nang nagbabala ang alkalde na sususpindehin ang business permit ng NLEX kung hindi maaaksyunan ang problema sa RFID.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?