6

Jan 11, 2021 @ 14:45
By

Mayor Rex: Mga Valenzuelano na pumunta sa Pista ng Nazareno, sasalang sa COVID testing

Ray Mark Patriarca

Determinado ang Valenzuela local government unit na mapigilan ang posibilidad ng pagsirit muli ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar kasunod ng Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno.

Ayon kay Valenzuela Mayor Rex Gatchalian, kanilang target na ngayong linggo ay ma-test na ang sinumang residente ng kanilang lungsod na nagtungo sa Quiapo Church kasunod ng paggunita sa Nazarene feast.

“Binigyan kami ng advisory ng Department of Health na sakaling may mga constituent kami na nagpunta sa Nazareno, ipa-test na rin namin,” lahad ni Gatchalian sa panayam ng ‘Balitaan at Kumustahan’ sa Politiko Live.

Aniya pa, madali ang contact tracing para sa mga deboto dahil organisadong grupo ang mga mananalampalataya ng Nazareno sa Valenzuela.

“Alam mo ang maganda, most of the Nazarene group of debotees, organized groups yan… natutumbok namin nasaan sila,” paliwanag ng alkalde.

Nasa isa hanggang dalawang grupo lang aniya ang nagtungo sa Quiapo, at target na ma-test ang mga ito sa Miyerkoles.

“We are taking all precautions para hindi na sumipa ulit ang COVID,” saad ni Gatchalian.

Bago pa man ang Pista ng Nazareno, nagpaalala na ito sa kanyang nasasakupan sa pagdagsa sa Quiapo, ngunit aniya’y hindi talaga mapipigilan ang ilang tao lalo’t kanila na itong debosyon.

“Nabawasan yung nagpunta, pero hindi mo talaga mape-perfect eh… ‘yung passion talaga ng mga devotees natin nasa puso,” ayon kay Mayor Rex.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?