1,094

Dec 28, 2017 @ 13:29
By

Mayor Erap, nag-ala-Santa Claus sa Tondo

Hindi magkamayaw ang mga residente ng Baseco Compound, Tondo, Manila habang pumipila para sa pamaskong handog ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila.

Madaling-araw pa lamang ay pumila na ang karamihan sa kanila para maagang makatanggap ng aginaldo mula sa Manila City Hall.

Lalo pang umatikabo ang sitwasyon nang dumating ang alkalde ng lungsod, may star power pa rin sa masa si Manila Mayor Joseph Estrada.

Habang nagbibigay ng mensahe ay tinanong ni Erap ang opisyal ng Manila City Social Welfare and Development kung ano ang laman ng pang-aginaldo sa mga taga-Baseco. Hindi nasiyahan ang alkalde sa sagot nito dahil wala palang kasamang bigas ang regalo.

Ipahahabol na lang bilang dagdag na regalo ang bigas para sa mga taga-Baseco.

Nagpasalamat naman ang ilang mga residente sa regalo sa kanila ni Estrada.

Maliban sa Baseco ay may pamaskong handog din para sa mga taga-Smokey Mountain, Tondo Sports Complex at Manila City Jail si Erap. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?