16

By

Mayor De Sagun no show sa hearing ng pagpatay sa Trece Martires vice mayor

Sharing is caring!

Hindi nakadalo si Trece Martires Mayor Melandres De Sagun sa preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) kaugnay ng reklamong murder at frustrated murder na inihain laban sa kanya dahil sa pagpatay kay Trece Martires Vice Mayor Alexander Lubigan.

Bunsod nito, ipagpapatuloy na lamang ng DOJ sa Oktubre 26 ang preliminary investigation sa reklamo, kung saan inatasan nito ang tumatayong abugado ni Mayor De Sagun na si Atty. Alexander Nala na iharap ang kanyang kliyente at tuloy ay mapanumpaan sa harap ng panel ang kanyang kontra salaysay.

Humingi naman ng karagdagang panahon si Atty. Nala upang maihain ang kontra salaysay ng kanyang kliyente.

Paliwanag ni Atty. Nala, nito lamang Oktubre kinuha ng kampo ni Mayor De Sagun ang kanyang serbisyo kung kayat aaralin pa nito ang kaso bago makapaghain ng kanilang kontra salaysay.

Hindi naman dumalo ang maybahay ni Vice Mayor Lubigan, at tanging ang abugado lamang nila na si Atty. Raymund Fortun ang nakadalo.

Nakapunta naman at nakapanumpa sa kanyang salaysay ang bodyguard ng biktima na si Romeo Endrinal.

Bagamat naroon ang dalawang respondent na sina Rhonel Bersamina at Lawrence Arca, wala naman silang abogado na kakatawan sa kanila at wala ring bitbit na mga kontra salaysay.

Dahil dito, binigyan din ang dalawang respondent ng hanggang October 26 para maghain ng kanilang counter affidavit.

Matatandaan na si Vice Mayor Lubigan ay tinambangan at napatay sa harap ng Korean-Philippine Hospital sa Barangay Luciano sa Trece Martires noong July 7.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?