43

Jan 7, 2022 @ 19:45
By

Maynilad, Manila Water binigyan ng bagong prangkisa

Binigyan na ng gobyerno ng panibagong prangkisa ang Manila Water Company at Maynilad Water Services, Inc.

Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11600 at Republic Act 11601 para sa tig-25 taong prangkisa ng nabanggit na dalawang kumpanya.

Sakop ng Maynilad ang West Zone Service Area ng Metro Manila, partikular ang Lungsod ng Maynila maliban sa San Andres at Sta. Ana, Pasay, Parañaque, Caloocan, Muntinlupa, Las Piñas, Valenzuela, Navotas, Malabon at ilang bahagi ng Makati City at Quezon city,kasama na dito ang mga bayan at lungsod ng Cavite, Imus, Kawit, Noveleta at Rosario sa ilalim ng concession sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System.

Ang East Zone Service Area naman ng Metro Manila ang sakop ng Manila Water partikular ang Makati City, Mandaluyong, Pasig, Pateros, San Juan, Taguig, Marikina, ilang bahagi ng Quezon City at Maynila ; kasama na ang lalawigan ang mga bayan ng Angono, Baras, Binangonan, Cainta, Cardona, Jala-Jala, Morong, Pililia, Rodriguez, Tanay, Taytay, Teresa, San Mateo at Antipolo City sa lalawigan ng Rizal.

Nakapaloob sa nabanggit na mga batas na kinakailangang sumunod sa environmental at sustainability standards ang Maynilad at Manila Water at makipagtulungan sa local government units para matiyak ang ligtas at maayos na serbisyo.

May probisyon din na maaaring i-take over ng nakaupong Presidente ang pansamantalang operasyon ng mga kumpanya kapag mayroong digmaan, rebelyon, kaguluhan, kalamidad, emergency, sakuna o problema sa peace and order.

Maaaring kanselahin ng Kongreso ang prangkisa kapag nabigo ang dalawang kumpanya na makatugon sa mga regulasyon at hindi makapag-operate sa loob ng dalawang taon.

Obligado ang Maynilad at Manila Water na magsumite ng taunang report sa Kongreso kaugnay sa kanilang development, operasyon, expansion at audited financial statements at kapag nabigong gawin ito ay magmumulta ng isang milyong piso kada araw na lumagpas sa taning ng pagsusumite ng report.

Ang dalawang batas para sa paggawad ng panibagong prangkisa sa Manila Water at Maynilad ay pinirmahan ni Pangulong Duterte noong December 10,2021 at ngayon lamang inilabas ng Malacañang ang kopya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?