640

Dec 16, 2019 @ 15:38
By

Maynilad ayaw nang pautangin ng mga bangko

Hindi na pinauutang ng mga bangko ang Maynilad Water Services Inc., dahil sa banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibasura ang kanilang kasunduan sa Metropolitan Water and Sewerage System (MWSS).

Sabi ng Metro Pacific Investments Corp. ni Manny V. Pangilinan, mahihirapang umpisahan ng Maynilad ang mga bago nitong proyekto dahil ayaw na itong pautangin ng mga bangko pero kaya pa nitong pondohan ang mga naumpisahan nang mga proyekto.

Ang Metro Pacific ang isa sa mga may-ari ng Maynilad at partner nito ang DMCI Holdings Inc. ng mga Consunji at ang Marubeni ng Japan.

“While Maynilad can finance its current projects, the shortening of the concession term prevents it from commencing new projects to improve the system as the banks have suspended lending money to Maynilad to finance its new capex program,” sabi ng Metro Pacific.

Ayon sa Business Mirror, nagbabala si Maynilad Vice Chair Isidro Consunji na mababangkarote ang Maynilad at Manila Water Company Inc. ng mga Ayala dahil basta-basta na lang pinapalitan ng pamahalaan ang kanilang kasunduan at maaari na silang pagbayarin ng mga bangko ng lahat ng kanilang pagkakautang. Nasa P42 bilyon ang mga utang ng Maynilad, ayon sa Business Mirror.

Sabi naman ng Manila Water, kaya nitong itawid ng kanilang cash flow ang pangangailangan ng kompanya habang ongoing pa ang negosasyon nito sa MWSS at inaasahan nitong magkaroon ng diskusyon sa mga pinaplanong proyekto at kung ano ang marapat na gawin sa mga ito habang sila ay nag-uusap.

“We look forward to the early resolution of issues so we can resume execution of the approved projects that will require additional funding,” sabi ng Manila Water.

Diretso nang sinabi ni Manila Water chair Fernando Zobel de Ayala na hindi na sisingilin ng kompanya ang mahigit P7 bilyong arbitral award ng korte at hindi rin nito itutuloy ang pagsingil ng mas mataas na taripa sa susunod na buwan, Enero 2020.

Wala namang hayagang binanggit ang Maynilad tungkol sa hindi na pagsingil ng arbitral award nito mula sa gobyernong Duterte, at hindi rin nito sinabing hindi ito magtataas ng singil sa Enero.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?