98

Oct 26, 2017 @ 12:41

Maynila, naka-red alert pa rin sa Undas

Nilinaw ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) na hindi na nila binago o hindi na kinailangang alisin ang red alert status sa Maynila simula nang mag-umpisa ang digmaan sa Marawi City hanggang sa Undas.

Ayon kay P/Supt. Erwin Margarejo, tagapagsalita ng MPD, simula sa weekend, Oktubre 28 ay sisimulan na nila ang deployment o ang pagpapakalat ng kanilang tauhan para sa MPD Oplan Undas Help Desk.

Ang Oplan Undas Help Desk ay ilalagay sa mga terminal ng bus kasama na rito ang mga bus terminal sa bahagi ng Sampaloc, Maynila; Sta. Cruz at Lawton area.

Aabot naman aniya sa 1,300 pulis-Maynila ang ipakakalat ng MPD para magmatyag ng seguridad sa pista ng mga patay.

Ang mga ito ay magbabantay sa Manila North Cemetery, Manila South Cemetery at Chinese Cemetery. Bukod pa rito ay tutulong din bilang force multiplier ang tropa na magmumula sa AFP at BFP. Magtatalaga rin ng medical personnel mula sa Manila Health Department, DOH at Philippine Red Cross.

Inamin ni Margarejo, bukod sa seguridad para sa Undas, patuloy din nilang tinututukan ang seguridad para sa nalalapit na ASEAN Summit, kung saan tinatayang nasa 70 porsiyento ng operatiba ng MPD ay itatalaga sa iba’t ibang assignment na may kinalaman sa pagtaya ng seguridad para sa mga delegado. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?