241

Jul 3, 2019 @ 15:56
By

Maynila hindi handa sa ‘Big One’ – Isko

Inatasan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) na gumawa ng bagong plano matapos niyang matuklasan na hindi handa ang pamahalaang lokal na bigyan ng proteksyon ang mga residente sakaling maranasan ang magnitude 7.2 na lindol o ang tinatawag na “The Big One”.

Inutos din ni Domagoso na magsumite sa kanya ang konseho ng bagong hazards, vulnerability and risk assessment report para sa lungsod sa loob ng susunod na dalawang linggo para makapaglatag sila ng mga programa.

Sa kanyang direktiba, sinabi ni Domagoso na kumilos at mag-isip ang mga miyembro ng konseho na sila ang alkalde at “in command” para makapaglatag sila ng maayos na plano para sa mga taga-lungsod.

Hindi aniya niya nais takutin ang mga Manilenyo sa pag-amin niyang hindi sila handa sakaling dumating ang nasabing trahedya pero nais niyang maging tapat dahil karapatan ng mga residente na malaman ang katotohanan para sila mismo ay makapaghanda.

Kumpara sa ibang siyudad, wala aniyang emergency plan o konkretong management plan o hazard map ang Maynila ayon na rin sa pag-amin sa kanya ng CDRRMO.

Wala rin aniyang programa para tugunan ang posibleng pagkasira ng mga city cell site sakaling mangyari ang malakas na pag-uga.

Dagdag ni Domagoso, hindi rin handa ang mga ospital ng pamahalaang lungsod partikular ang hospital bed capacity, power generator at personnel sa inaasahang pagdagsa ng mga pasyenteng masasaktan sa trahedya.

Dahil dito kung kaya’t kailangan aniyang magtrabaho ang mga miyembro ng disaster council para makapaglatag ng mga programang tutugon sa pinangangambahang trahedya.

Inamin ni Domagoso na nanlumo siya nang mabasa ang report ng Department of Interior and Local Government kaugnay sa disaster preparedness ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

Hindi umano siya makapaniwala na “total failure” ang paghahanda ng nakaraang liderato sa pagtugon sa trahedya.

Kahit nga umano ang command center for disaster response ng lungsod, na tinawag na “Emergency Response Assistance Program” o ERAP ay sira at paralisado.

Natuklasan ng Manila Public Information Office na walang ibang namo-monitor na lugar ang command center kundi ang paligid lang ng city hall at Cariedo.

Wala ring sariling hotline ang ERAP na matatawagan sa panahon ng trahedya at ginagamit ng mga opisyal ang kanilang personal na cellphone para sa kanilang komunikasyon sa publiko.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?