By

Mayayamang adik, mahirap mahuli – Duterte

Sharing is caring!

Aminado si Pangulong Rodrigo Duterte na mahirap hulihin ang mga mayayamang drug addict sa bansa.

Sinabi ng Pangulo na bagama’t aktibo ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa war on drugs, madulas aniya ang mga mayayamang lulong o sangkot sa droga dahil mayroong eroplano ang mga ito, mayroong yate at may sariling barko.

Bukod dito, cocaine at hindi shabu ang ginagamit ng mga mayayamang drug addict kaya’t nahihirapan aniya ang gobyerno na mahuli ang mga ito.

Aminado ang Presidente na hindi kakayanin ng mga otoridad na habulin ang mga ito araw-araw kaya ang tinututukan ay ang mga drug personalities na sangkot sa shabu dahil sa lansangan ang kalimitang transaksiyon ng mga ito.

“Alam mo sa mga mayaman, it’s cocaine. At hindi mo pa mahuli-huli kasi may eroplano sila, may mga yate, may sariling barko. Mahirapan talaga ang gobyerno. We cannot afford to do that, chasing them all along everyday,” anang Pangulo.

Pero tiwala pa rin ang Presidente na masasakote rin ang mga ito sa tamang pagkakataon at panahon dahil hindi aniya titigil ang kampanya ng gobyerno hangga’t hindi natatapos ang kanyang termino.

Wala pang nasasakote ang mga otoridad na kilalang prominenteng personalidad na sangkot sa iligal na droga at karamihan ay mga taong kalsada at mga dayuhang Chinese na pinaniniwalaang miyembro ng drug syndicates.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?