97

Nov 8, 2017 @ 11:37
By

UP may tiyansa pa sa Final 4

Mga laro ngayon (Smart Araneta Coliseum)
2:00 p.m. – FEU vs. NU
4:00 p.m. – Ateneo vs. UP

May pag-asa pa ang UP sa Final­ Four ng 80th UAAP basketball tournament.

Nakatambay sa fifth place sa 5-7, kailangan ng Fighting Maroons na ipanalo ang dalawang natitirang laro para swak sila sa No. 4 sa semifinals.

Kaso, kalaban ng UP ngayong hapon sa Smart Araneta Coliseum ay ang undefeated na Ateneo ni coach Tab Baldwin.

Huling asignatura ng Maroons ang FEU na nakakapit sa No. 4 sa kartang 6-6.

“Laro lang kami, malay mo kami ang unang team na makatalo sa kanila (Ateneo),” ani UP coach Bo Perasol. “Krusyal itong mga laro namin, ano man ang matutunan namin sa natitirang laban namin ay puwede namin i-share sa susunod na seasons.”

Sakaling matalo ang UP ay puwede pa silang makahirit ng playoff sa No. 4, kung mananaig sila sa Tamaraws.

Ibabandera muli ng Fighting Maroons si Paul Desiderio.

Magkakaldagan sa unang laro ang Tamaraws at NU. (Elech Dawal)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?