63

Dec 21, 2017 @ 10:27
By

May ‘tama’ sa pag-iisip, nagbigti

Nagsisimula nang maagnas ang bangkay ng isang 50-anyos na lalaki na sinasabing may diperensiya sa pag-iisip matapos nitong magbigti sa loob ng inuupahang kuwarto, kamakalawa ng gabi sa Sta. Cruz, Maynila.

Kinilala ni PO2 Jonathan Ruiz, ang biktimang si Filomeno Almendralejo, Jr. alyas ‘Jun’, at boarder sa No. 1206 M. Natividad St. Sta. Cruz, Maynila.

Sa imbestigasyon, dakong alas-otso ng gabi, nang matagpuan ang biktima na nakabigti, gamit ang isang kulay asul na nylon cord.

Ayon kay Jocelyn Santos, landlady ng biktima, mag-iisang taon na umanong nangungupahan sa kaniya ang biktima matapos itong i-deport mula sa United States (US) sa hindi malamang kadahilanan at tumatanggap ng buwanang allowance sa kaniyang ina na nakabase na sa US.

Nalaman rin na ang biktima ay na-‘diagnosed’ na may mental health problem at regular na umiinom ng alak.

Huli umanong nakitang buhay ang biktima dakong alas-dos ng madaling-araw na naglalakad sa loob ng kanilang bahay ng isang boarder na si Renato Santos.

Dakong alas-otso ng gabi nang makaamoy ng masansang ang kaniyang kasamang boarder na si Lourdes Lim mula sa kuwarto ng biktima kaya kaagad nitong sinabi kay Santos .

Kinatok naman ni Santos ang pintuan ng kuwarto ng biktima pero walang sumasagot pero bahagya namang nakabukas ang pintuan nito kaya lamang ay patay ang ilaw, nakita naman niya ang biktima na nakatayo matapos gumamit ng flashlight.

Hindi naman nilapitan ni Santos ang biktima dahil nga may diperensiya ito sa isip kaya pumunta na lamang siya sa barangay para humingi ng tulong at pagdating ni Kagawad Romualdo Sta. Maria, nakita nila na nakabigti ang biktima. (Juliet de Loza-Cudia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?