8

Jan 14, 2021 @ 12:35
By

May slow-mo video pa! Duterte may kanta para sa mga ‘suwail’

Nagwakas ang pulong ng Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi na parang isang music video.

Nagpatugtog kasi ang presidente ng kanta para aniya sa mga “suwail na anak.”

Ginawa niya ito matapos niyang sabihin na “huwag pilitin” ang mga grupo na ayaw magpabakuna laban sa COVID-19, at matapos pasalamatan ang mga negosyanteng tumutulong sa coronavirus response ng gobyerno.

“This is for people, mga anak ninyo na kagaya ng sinasabi ni… Actually, this song is a counterpart of ‘Anak,’ ‘yung kay Freddie Aguilar,” bigkas ni Duterte.

“Ipatugtog ko ‘yon, iyong dalawa para ‘yung mga anak ninyo na suwail, maalaala nila ang hindi lang obligasyon sa buhay, ‘yung mismong sarili nila, kung anong mangyayari nila sa buhay. Tutugtugin ko ‘yon kasi para sa inyo,” dagdag niya.

Sa recorded meeting na inere kagabi, Enero 13, maririnig ang huling bahagi ng kantang “Yesterday When I Was Young” na version ni Willie Nelson.

Habang tumutugtog ito ay makikita ang pinabagal na paggalaw ng camera na tumutok sa mga dumalo sa pulong–na taimtim na nakikinig sa awit–at sa bandila ng Pilipinas.

Sa huli ay maririnig ang palakpakan ng mga opisyal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?