46

Dec 13, 2017 @ 8:41
By

May sapat na basehan sa martial law extension -SolGen

Kumbinsido si Solicitor General Jose Calida na mayroong sapat na dahilan para palawigin ang pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao.

Bagamat malaya na umano mula sa mga teroristang naghasik ng kaguluhan ang Marawi City, nagpapatuloy pa rin naman aniya ang rebelyon sa ilang panig ng Mindanao.

Dagdag ni Calida, may valid na argumento si Pangulong Duterte kung bakit nais nitong palawigin pa ng isang taon ang pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao batay na rin sa rekomendasyon ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

“May sapat na dahilan ang Pangulo sa kahilingan nito na mapalawig ang proklamasyon ng Martiaw Law at ang pagsuspinde ng privilege of the writ of habeas corpus sa buong region para tuluyan na ring matuldukan ang nagaganap na pag-aaklas sa Mindanao,” ani Calida.

Naniniwala rin si Calida na suportado ng mga datos ang kahilingan ng Pangulo.

Aniya, kasalukuyang bumubuo uli ng grupo at nagre-recruit ang mga naiwang miyembro ng Maute-ISIS na nanguna sa paghahasik ng karahasan sa Marawi City noong Mayo para magtuluy-tuloy ang pag-aaklas sa gobyerno.

“The remnants of these rebel groups are currently regrouping and recruiting new members to sustain the on-going rebellion,” dagdag ni Calida. (Mina Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?