65

Dec 10, 2017 @ 16:37
By

May sabwatan sa pagbili ng Dengvaxia – Gordon

Posibleng nagkaroon ng sabwatan sa minadaling pagbili ng anti-dengue vaccine noong Aquino administration.

Sinabi ni Senador Richard Gordon na ito ang malamang na nangyari dahil matapos ang pakikipagpulong nina dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino at dating Health Sec. Janet Garin sa mga opisyal ng Sanofi Pasteur, naging mabilisan ang pagbili ng gobyerno ng bakuna laban sa dengue.

Inungkat ni Gordon ang pakikipagkita ni Garin sa mga opisyal ng Sanofi Pasteur sa Paris, France noong Mayo 2015, gayundin kay Aquino na nakipagpulong noong Disyembre 2015.

Disyembre 29 noon din, ipinalabas ang pondo para mabayaran na ang Sanofi ng P3.5 bilyon.

Sa isang tingin, sabi ni Gordon, tila walang mali doon pero maiuugnay umano sa napakabilis na pag-aprub sa pagbili ng bakuna, sa paglabas ng pondo para rito at sa agad na pagbabakuna sa mga bata kahit hindi pa subok kung 100 porsyentong ligtas gamitin.

Maari rin umanong iugnay sa mabilis na paghanap ng pondo para sa bakuna bagaman wala iyon sa latag ng pambansang badyet para sa buong taon ng 2015.

“On it’s face, walang masama sa meeting pero may circumstantial connection sa buong pangyayari. Unang-una wala sa GAA (General Appropriations Act) yung budget para sa dengue vaccine. Pangalawa, isiningit lang nila iyan. Gumawa ng paraan,” ayon kay Gordon.

“Basahin nyo ang circumstances, patapos na ang taon, malapit na ang eleksyon, napakalaki ng amount na kinuha,” ani Gordon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?