47

Oct 20, 2017 @ 20:32

May malasakit kami kay Atio – UST

Itinanggi ng University of Sto. Tomas na nagpakita ito ng kawalan ng interes sa pagkamatay ng kanilang freshman civil law student na si Horacio Castillo III.

Nakasaad ito sa official statement ng UST na inilabas sa harap ng umano’y hindi tamang paglalarawan sa unibersidad na umano’y walang pakialam o malasakit sa pagkamatay ni Atio na biktima ng hazing.

Bilang patunay na mali ang paratang, binigyang diin ng UST na sa unang araw na pumutok ang balita, agad nang nakiramay ang unibersidad sa pamilya ni Atio at nag-alay ng panalangin.

Nagpahayag din umano ng pagkondena ang UST sa nasabing karahasan at nagdeklara pa nga ng “day of mourning.”

Agad din umanong bumuo ang unibersidad ng kumite na mag-iimbestiga sa sinapit ni Atio.

Giit pa ng UST, mahigpit din silang nakipagtulungan sa Manila Police District at National Bureau of Investigation at ibinigay ang pagkakakilanlan ng mga myembro ng Aegis Juris fraternity at ang mga posibleng may kagagawan sa krimen.

Sa kabila rin umano ng mga paghihigpit o limitasyon na itinatakda ng Education Act at Data Privacy Act, pinayagan ng UST ang mga kinatawan ng Legal Education Board at Commission on Human Rights na magmasid sa proseso ng investigation committee ng unibersidad.

Kasabay nito, nanawagan din ang UST sa lahat na magdasal at magtulungan para mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Atio at para mamayani ang katotohanan. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?