169

Aug 3, 2021 @ 19:38
By

May karanasan, kakayahan: Lacson-Sotto tandem suportado ni Alvarez

Naniniwala si dating Speaker Pantaleon Alvarez na kailangan ng bansa ng bagong uri ng liderato at hindi ng isa pang Duterte.

Sa panayam sa telebisyon, sinabi ni Alvarez na malalaking problema ang kakaharapin ng susunod na Pangulo kaya magiging mahalaga ang kaya nitong gawin para maiahon ang bansa mula sa epekto ng pandemya.

“Para sa akin, siguro mas mainam na maghanap tayo ng panibagong lider, different personality. Dahil ang bigat ng problema ng bansa natin siguro gawin nating isyu sa darating na eleksyon ‘yung mga problema ng Pilipinas,” sagot ni Alvarez nang tanungin kaugnay ng posibleng pagtakbo ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa presidential election sa susunod na taon.

Ilang miyembro ng PDP-Laban ang nagtutulak kay Duterte-Carpio upang tumakbo.

Hindi naman nababahala si Alvarez sa mababang rating ni Sen. Panfilo Lacson na siyang sinusuportahan nito sa pagka-pangulo.

“Hindi ako masyadong worried diyan (mababang rating),” sabi ni Alvarez at ipinunto si Pangulong Rodrigo Duterte ay nasa 1% lamang sa mga survey noon.

Binigyan-diin ni Alvarez ang kakayanan ni Lacson at inaasahang running mate nito na si Senate President Tito Sotto sa pagharap sa mga problema ng bansa.

“Nakita ko sa kanilang dalawa meron silang kakayahan, karanasan to deal with these problems. So yung ang natulak sa akin para suportahan yung tandem ni Sen. Lacson at Senate President Tito Sotto,” dagdag pa ng dating lider ng Kamara.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?