95

Jan 30, 2018 @ 17:39
By

May ‘K’ si Duterte na suspendihin si Carandang – Roque

Kinontra ng Malacañang ang bintang ni Senador Antonio Trillanes IV na binu-bully ng Palasyo si Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang matapos itong suspendihin ng 90 araw at kinasuhan ng grave misconduct at grave dishonesty.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi puwedeng ma-bully ang opisyal dahil mayroon itong sariling pag-iisip at hindi ito kinokontrol ng ehekutibo.

“Ay hindi po puwedeng ma-bully iyan. Alam n’yo naman iyan ay talagang may sariling galaw iyan. Pero iyong mga pinaggagawa niya na kung anu-ano ang mga pinagsasabi tungkol doon sa mga papeles na nilabas ni Trillanes, lumalabas naman pala sabi ng AMLC hindi nanggaling sa kanya at saka iyong mga pigura ay mali at misleading,” ani Roque.

Lumabas aniya sa imbestigasyon na mayroong batayan para kasuhan si Carandang dahil nagsalita mismo ang Anti-Money Laundering Council (AMLAC) na wala silang inilalabas na detalye ng bank documents ni Pangulong Rodrigo Duterte at pamilya nito.

Nanindigan ang kalihim na mayroong kapangyarihan si Pangulong Duterte na magsuspinde kay Carandang dahil nakasaad sa Konstitusyon na ang impeachable lamang ay ang Ombudsman.

“Naninindigan po ang Palasyo na may ganyang kapangyarihan ang Presidente. Nagkaroon po ng kaso diyan, iyong Gonzales; noong unang desisyon po 7-7 ang botohan, may ganyang kapangyarihan. On motion for reconsideration, na-overturn po iyan, pero 8-7 lamang.

“So ngayon po bahala po si Carandang na pumunta sa mas mataas na hukuman. Pero ang tingin po ng Malacañang, may kapangyarihan po iyan, dahil ang Saligang Batas naman natin, ang sinasabing impeachable lamang ay ang Ombudsman,” giit pa ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?