186

May 30, 2018 @ 14:47
By

May ginagawa ang gobyerno sa isyu ng WPS – Cayetano

Binigyang-diin ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na hindi nagpapabaya ang administrasyong Duterte sa gitna ng pagpapalakas ng presensiya ng China sa mga islang sakop ng teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Humarap si Cayetano sa pagdinig ng House special committee on WPS, kasama ang iba pang opisyal ng DFA gayundin sina Defense Sec. Delfin Lorenzana at National Security Adviser Hermogenes Esperon.

Ayon kay Cayetano, hindi totoong wala silang ginagawa para protektahan ang teritoryo ng bansa.

Tahimik lamang aniya nila itong tinatrabaho alinsunod sa polisiya ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag itong daanin sa microphone diplomacy o sigawan laban sa China.

Paliwanag ng kalihim, “prudent, patient at pragmatic” ang diskarte ng gobyerno sa paglutas ng problema.

Ipinakita rin nito sa chairman ng komite na si Quezon City Rep. Sonny Belmonte ang mga kopya ng protesta ng Pilipinas laban sa China.

Sabi ni Cayetano, marami lamang misinformation laban sa gobyerno pero ilang beses na umano nilang nilinaw sa China na tutol ang bansa sa militarisasyon sa WPS.

Maingat din aniya ang bansa na walang mawalang bahagi ng teritoryo nito kaya malinaw sa China na hindi papayag ang Pilipinas na pakawalan ang claim nito sa lugar.

“We are not asking you to trust us blindly. We are asking you to trust us because we are diplomats,” ani Cayetano.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?