31

Nov 25, 2021 @ 17:55
By

May favoritism daw: Ama napikon sa anak, pinalakol

Patay ang isang 32-anyos na lalaki matapos na ilang ulit na palakulin ng sariling ama sa bayan ng Jasaan, Misamis Oriental.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa sa isang inuman.

Dead on arrival sa pagamutan matapos na magtamo ng mga tama ng palakol sa ulo at katawan ang biktimang si Marjun Hallazgo, may asawa.

Agad namang nadakip ng pulisya ang suspek na si Enerio Hallazgo Jr., 62, tatay ng biktima.

Pareho silang residente ng Sitio Tampod, Barangay San Isidro ng nasabing bayan.

Sa ulat na ipinadala ni Police Major Marstar Lorenzo, hepe ng Jasaan Municipal Police Station sa Camp Crame, naganap ang insidente alas-10:00 ng gabi noong Nobyembre 21.

Habang nag-iinuman, nauwi ang usapan ng mag-ama sa hindi umano patas na pagtrato ng suspek sa kanyang mga anak dahilan upang magkaroon ng pagtatalo ang mga ito.

Umalis ang batang Hallazgo subalit pagbalik nito ay may dala nang patalim at sinaksak ang ama na tinamaan sa hita.

Doon na nakakuha ng palakol ang ama at sa tindi ng galit sa ginawa sa kanya ng anak dagdag pa ang kalasingan ay pinalakol nito ng ilang ulit ang huli sa ulo at katawan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?