50

Jul 27, 2020 @ 12:29
By

May bitbit na dolphin! Juana Change kabog si Alodia

Ayon sa mga netizen, si Juana Change o aktres Mae Paner talaga ang Cosplay Queen ng Pilipinas.

Namangha kasi sila nang masaksihan ang itsura ng huli sa protesta ngayong araw para sa ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginaya ni Paner si Presidential Spokesperson Harry Roque, sa viral na Hulyo 1 larawan ng huli noong lumangoy kasama ang mga dolphin sa Subic, Zambales.

Sa katirikan ng araw ay nakasuot siya ng rash guard at swimming headcap. May bitbit din siyang props na apat na inflatable dolphin.

Matatandaang binuska rin si Roque matapos magbunyi na natalo ang prediksiyon ng mga UP expert na papalo sa 40,000 ang COVID-19 cases sa katapusan ng Hunyo.

“Oy kayong mga taga-UP, I’m sorry, nagmamatalino kayo. But we won! Congratulations, Pilipinas! We won not only on the war on drugs, war on terror, at ang paborito ko, at malapit sa aking puso, we also won against poverty!” sabi ni Juana Change sa entablado ng SONAgkaisa rally.

“Kumonti na ang mga mahihirap ngayon, kasi ‘yung dating mahihirap na nagtatrabaho, ngayon namamalimos na,” aniya pa.

Ayon sa ibang netizen, nahigitan ni Paner si Alodia Gosiengfiao sa galing sa pagko-cosplay.

Matatandaang noong Grand Mañanita, o ang protesta noong Independence Day laban sa anti-terror bill, ang ginaya naman ni Juana Change ay si NCRPO Chief Debold Sinas.

Nagpakalbo pa si Paner at nagdala ng props na mga bulaklak para gayahin ang eksena sa kontrobersyal na birthday party ni Sinas, na idinahilang isang “mañanita”.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?