47

Dec 12, 2017 @ 15:40
By

May basehan ang martial law extension – SolGen

Bagama’t malaya na mula sa mga teroristang naghasik ng kaguluhan sa Marawi City, nagpapatuloy pa rin ang rebelyon sa ilang panig ng Mindanao.

Ito ang iginiit ni Solicitor General Jose Calida sa harap ng kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin ng isa pang taon ang martial law sa Mindanao salig na rin sa rekomendasyon ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay Calida, may mga sapat na dahilan na inilatag si Pangulong Duterte sa kanyang kahilingan na mapalawig ang proklamasyon ng martiaw law at ang pagsuspinde ng privilege of the writ of habeas corpus sa buong Mindanao.

Ito ay para tuluyan na rin umanong matuldukan ang nagaganap na pag-aaklas sa Mindanao.

Naniniwala rin si Calida na suportado ang kahilingan ng Pangulo ng mga datos na ibinigay sa Punong Ehekutibo na tumatayo rin bilang Commander in Chief.

Aniya, kasalukuyang bumubuo uli ng grupo at nagre-recruit ang naiwang mga miyembro ng Maute-ISIS na nanguna sa paghahasik ng karahasan sa Marawi City noong Mayo para magtuloy-tuloy ang pag-aaklas sa gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?