80

Dec 13, 2017 @ 9:54
By

May alok na mabigat na posisyon sa gov’t sa’kin – Dela Rosa

May posisyon nang inaalok si Pangulong Rodrigo Duterte para kay PNP chief Director General Ronald dela Rosa kapag nagretiro na ito sa Enero 2018.

Kahapon sa isang press briefing, sinabi ni Dela Rosa na ngayon pa lamang ay kinausap na siya ni Pangulong Rodrigo Durerte kung saan inaalok siya sa isang puwesto sa pamahalaan.

Bagamat hindi tinukoy ng PNP chief ang sinasabing offer, sinabi nito na isa sa pinakamahirap na posisyon sa ahensya ng gobyerno ang iniaalok sa kanya kung saan marami ang nabigo.

“Hindi ko pa maaring sabihin ano’ng government agency basta pinakamahirap na puwesto, marami ang nabigo sa puwestong iyon, basta sabi niya kung maraming nabigo dito – gusto ko ikaw ang mag-succeed. Napakabigat na trabaho yan,” wika ni Dela Rosa.

Kaugnay nito, tumanggi rin si Dela Rosa na kumpirmahin kung si Director General Ramon Apolinario ang tiyak nang papalit sa kanyang iiwanang puwesto bilang chief PNP.

Sinabi ng chief PNP na hindi pa ito maaaring magtukoy kung sino ang papalit sa kanyang puwesto dahil wala pa namang pasya si Pangulong Duterte.

“Si Presidente na lang ang bahalang magsabi sa inyo. Hintayin n’yo na lang sa January kung sino ang papalit sa’kin. Ayoko magsalita,” sabi pa ni dela Rosa.

Si Apolinario ang PNP Deputy Director na pumangalawa kay Dela Rosa at humalili ito nang bumyahe sa abroad ang chief PNP.

Si Dela Rosa ay magreretiro na sa Enero 21, 2018. (Betchai Julian)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?