spy-on-the-job-rey-marfil
By

Mauuwi sa tutong at pagdila sa lata ng sardinas

Sharing is caring!

Malamang na maraming totoy ngayon ang naninimot na ng tutong na kanin sa kaldero para walang masayang sa kakarampot na bigas na nabili ni tatay dahil ang commercial rice na mahal na ang nabili niya dahil wala na sa tindahan ni Aling Petra ang mas murang NFA rice.

Pero mukhang hindi pa dito matatapos ang kalbaryo ng mga kababayan na­ting dukha.

Ang karaniwan kasing ka-tandem ng NFA rice na isinasaing ng mga dalawang kahig, isang tuka na instant noodles at sardinas ay nagmahal na rin. Hindi man siguro tatanggapin ng mga opisyal natin sa gobyerno na may regular na malala­king sahod at allowance, aba’y may epekto sa pagtaas ng mga pangunahing bilihin ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.

Sa pinakahuling tala, umangat sa 4.5 porsi­yento ang inflation rate sa bansa. Ito ang barometro sa paggalaw ng presyo ng mga bilihin. Ang natu­rang pag-angat ang sinasabing pinakamataas sa nakalipas na tatlong taon.

Puna ng ating kurimaw, aba’y hindi ba’t nakaka-dalawang taon pa lang ang administrasyong ito?

Ang masaklap, ­kahit nagtataasan na ang ­presyo ng mga bilihin, parang hindi ito nakikita ng mga ahensiya na dapat sumusuri sa presyo ng mga bilihin. Sinasabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na kung hindi man nanatili raw sa dating presyo ang mga bilihin, eh kakarampot lang daw ang itinaas at posibleng pinasan na raw ng mga manufacturer ang epekto ng TRAIN Law kaya raw hindi na siguro nagkaroon ng paggalaw.

Tanong ng kurimaw natin, saan kaya nagmo-monitor ng presyo ng mga bilihin ang DTI? Baka puro sila sa supermarket na alam kung kailan sila pupunta? Nasubukan kaya nilang puntahan ang mga palengke at talipapa kung saan namimili ang mga dukha? Pati na sa mga maliliit na tindahan na hindi bultuhan ang bili ng paninda.

Ang masaklap pa nito, ang sardinas na karaniwang iniuulam nga ng mga dukha dahil kayang paramihin sa pamamagitan ng sangkatutak na sabaw, konting kangkong, at konting bihon, eh inaa­sahang tataas pa daw ng P1 hanggang P2 ang pres­yo dahil pa rin sa epekto ng TRAIN Law. At sa malamang, mauuwi sa pagdila sa lata ng sardinas!

Dahil batid naman ng gobyerno na masasaga­saan talaga ang mga mahihirap nating kababayan, naghanap sila ng paraan kung papaano raw nila matutulungan ang mga kapus-palad. At ang isang naisip nilang tulong, aba’y dagdagan ng P200 kada buwan ang ayudang pinansiyal nila mula sa 4Ps o Pangtawid Pamil­yang Pilipino Program.

Sabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno, sapat daw ang P200 kada buwang ayuda para mai­salba ang mga dukha sa epekto ng TRAIN Law. Kung baga sa taong binihisan mo sa malayo, aba’y ayos sa biglang tingin. Pero kapag nilapitan mo na, hindi pala.

Kasi P2,400 ang natu­rang ayuda sa buong isang taon. Malaki nga naman. Pero sa isang araw, ang P200 eh papatak lang ng halos P7. Aba’y hindi pa umabot sa P8 para ma­ging pamasahe. Ang kaso, ang P8 na pamasahe, inaasahang tataas din dahil sa TRAIN Law. Kaya ang ayudang P200, para bang paghahagis ng salbabida sa nalulunod pero butas naman pala.

Hindi masama ang mga ginagawang hakbang para matulungan ang mga mahihirap na­ting kababayan na tinatayang mahigit 10 milyon mula sa masamang epek­to ng TRAIN Law, pero sana, ang ayudang ibibigay sa kanila eh ‘yung talagang makatutulong at hindi lang basta limos.

At ang pinakamagandang tulong ay ang mabigyan pa rin sila ng trabaho na may sapat na kita, at humanap ng paraan para maibaba ang presyo ng mga bilihin sa halip na pataasin pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?