26

Jan 22, 2021 @ 14:42
By

Mauubos daw pondo! P1,000 sa mga senior ‘di kaya ng SSS – solon

Makalipas ang lampas isang taon, sinusulong pa rin ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo Ordanes na ilabas ng Social Security System (SSS) ang P1,000 na dagdag sa pensyon ng mga senior citizen.

Sa panayam ng ‘Balitaan at Kumustahan’ sa Politiko Live kay Ordanes, sinabi nito na hanggang ngayon ay hindi pa rin alam kung kailang mapapatupad ang second tranche ng pension hike.

“Dapat po noong 2019 ay inaasahan na ‘yang maibigay ngunit hindi po naibigay sa mga pensioners natin ‘yung P1,000,” lahad ni Ordanes.

Aniya, sumulat na siya sa SSS tungkol sa naturang isyu, ngunit hindi siya naging kumbinsido sa tugon ng ahensya.

“Ang sagot po nila, kung ibibigay ‘yung P1,000 na second tranche ay mababawasan ng pitong taon ang fund life ng SSS,” ayon sa mambabatas. “‘Yan po ang kanilang dahilan kaya hindi maibibigay yung karagdagang P1,000 pensyon.”

Dahilan umano ng SSS, hindi sapat ang kanilang pondo dahil sa madaming nagsarang kompanya at bumaba ang kontribusyon na kanilang nakokolekta.

Determinado naman si Ordanes na maimbestigahan ang kaban ng SSS para malaman kung talagang kulang sila sa pondo.

“Naghain po ako ng imbestigasyon in aid of legislation sa House para imbestigahan natin kung talagang walang pera ang SSS,” ani ng kongresista.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?