34

By

Mau, F2 abante sa finals

Kinapitan ng F2 Logistics si Fil-Am Tyler Marie Kalei Mau upang pagulungin ang Cignal, 22-25, 25-22, 25-21, 25-21, sa 7th Philippine Superliga Invitational Conference 2019 semifinals Lunes ng gabi sa Malolos Sports and Convention Center sa Bulacan.

Tumikada ng 21 attacks, isang block, isang service ace at 24 excellent digs si Mau upang isampa ang Cargo Movers sa Finals laban sa Petron, na tinalo ang Foton, 25-17, 25-14, 25-16 sa isa pang pares ng semis match.

Bukas ng alas-siyete nang gabi ang finals knockout showdown ng Blaze Spikers at Cargo Movers sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Natisod sa unang set, pero lumabas ang bangis ng Cargo Movers para harurutin ang tatlong natitirang frames at tumuloy na sa championship round.

Nakatuwang ni Mau sa opensa sina Kim Kianna Dy, Ara Galang at Desiree Cheng.

Pampitong beses nang maghaharap ang Petron at F2 Logistics sa league finals pero ngayon ay winner-take-all match.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?