15

Oct 19, 2020 @ 21:33
By

Matutong mamuhay kasama ang COVID – Roque

Hindi maaaring magtago na lang sa kuweba habang may coronavirus at sa halip ay dapat matuto ang lahat na mamuhay kahit may pandemya.

Sinabi iyon ni Presidential Spokesman Harry Roque nang idepensa ang desisyon ng gobyerno na buksan na ang ekonomiya.

“Ito ang dahilan kung bakit binubuksan ang ekonomiya dahil naniniwala tayo na kailangang matuto ang mga Pilipino na mabuhay bagama’t nariyan ang COVID 19. Hindi pupuwedeng magtago tayo sa kuweba habang may COVID-19 tulad ng gusto ng ilan,” pahayag ni Roque sa isang televised press briefing.

“Ito rin ang dahilan kung bakit natin binubuksan ang sektor ng transportasyon dahil siyempre kung sarado pa rin ang transportasyon, talagang hindi makakapasok pa rin sa trabaho ang mga mayroong trabaho,” dagdag niya.

Giit niya, alam na ng gobyerno ang kalaban at kung paano mapapatag ang pagkalat ng COVID-19.

Ito aniya ay sa pamamagitan ng pagpapalakas sa health care resources ng bansa kabilang ang mga health worker, protective gear at hospital bed capacity.

Inilabas ni Roque ang pahayag matapos lumabas sa resulta ng latest survey na karamihan ng mga Pilipino ay nakikitang sapat ang pagtugon ng gobyerno sa coronavirus pero ilan ang nakukulangan sa pagtulong nito sa mga nawalan ng trabaho.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?