By

Matulunging pulis, pinuri ni Año

Sharing is caring!

Pinapurihan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pulis-trapiko na umaktong mabuting samaritano matapos na tumulong sa mag-asawang nasiraan ng sasakyan sa Edsa at tumangging tumanggap ng ‘tip’ o kabayaran kapalit ng kanyang pagtulong.

Tinukoy ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año na karapat-dapat tularan si PO1 George Salvador Viernes, Jr. na nakatalaga sa PNP Traffic Enforcement Unit, Regional Highway Patrol Unit (RHPU) sa Metro Manila dahil isinabuhay niya ang marka ng paglilingkod sa DILG — matino, mahusay at maaasahan.

“Ganyan ang pulis! Tapat sa tungkulin at may integridad, at higit sa lahat, hindi naghihintay ng kabayaran para sa paglilingkod sa mga mamamayan. Saludo ako kay PO1 Viernes,” saad ni Año.

Naging viral ang larawan ni Viernes sa social media partikular sa Facebook simula noong nakaraang lingo matapos na itala ni Carolyn Jayme ang naging pag-alalay sa kanilang mag-asawa ng pulis matapos na tumirik ang sasakyan nila sa Edsa.

Ayon pa sa personal na post ni Carolyn, higit siyang pinahanga ni Viernes nang tanggihan nito ang tip na iniaalok niya bialng pasasalamat sa ipinakita nitong pagmamalasakit.

“Nagpapasalamat kami sa ipinakitang pagpapahalaga ng publiko sa magandang gawain ni Viernes. Dahil dito, nakakasiguro ako na mas magiging masipag at masigasig pa ang kapulisan na tuparin ang kanilang tungkulin na protektahan at paglingkuran ang publiko,” ani Año.

Sinabi pa ni Año, naniniwala siya na marami pang katulad ni Viernes na tapat at mahusay sa pagtupad ng kanilang tungkulin subalit hindi lamang ito nabibigyan ng pansin sa media.

“Ang palabas sa telebisyon tulad ng ‘Ang Probinsiyano’ ay malaking tulong sa paglalarawan ng kabayanihan at dedikasyon ng ating pulisya sa kanilang sinumpaang tungkulin. Binabaliktad nito ang hindi magandang imahe na itinatatak sa pulisya na sila ay hindi mapagkakatiwalaan. Tulad ni PO1 Viernes, mas marami pa rin ang tapat at matitinong pulis,” dagdag pa ng opisyal ng DILG .

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?