790

Feb 24, 2020 @ 15:44
By

Matteo ipina-Tulfo ng bodyguard ni Sarah G

Dumulog sa Raffy Tulfo in Action ang close-in security detail ni Sarah Geronimo na umano’y sinaktan ni Matteo Guidicelli.

Sa interview kay Tulfo nitong Lunes, Pebrero 24, ikinuwento ni Jerry Tamara ang nangyari sa civil wedding nina Matteo at Sarah Geronimo at ang pagsuntok sa kanya ng aktor.

Aniya, hindi niya sigurado kung saan naganap ang kasalan dahil iisang klase ng damit lang ang suot ni Sarah noong araw na iyon, Pebrero 20.

Pero nagpunta umano sila sa Victory Fort Bonifacio sa Taguig.

“Hindi ko po alam kung saan nangyari ‘yung totoong kasal. Ang [alam ko] lang doon, nagpunta kami ng Victory Nation sa BGC tapos nagtaka ako bakit nila ni-lockdown ‘yung second floor. Kapag pumupunta naman kami dati pa, hindi naman nila ginagawa ‘yun,” aniya.

Pagkagaling daw sa Victory Fort Bonifacio ay dinala nila si Sarah sa isang restaurant sa loob ng hotel sa Bonifacio Global City kung saan nakipag-dinner ito at si Matteo kasama ang pamilya ng huli.

Nakatanggap daw siya ng mensahe sa driver at tinatanong kung bakit pinapauna silang umuwi ni Sarah.

“Nag-text sa akin ‘yung driver ko na ‘Pare, ano itong sinabi ni Ma’am Sarah, bakit pinapauna tayo umalis?’ Sabi ko, ‘Pare, sige tanungin ko si Ma’am Sarah kung bakit tayo pinapauna umalis para may isasagot tayo sa mommy niya.’ Ang balak ko din dun sir, kausapin ko si Ma’am Sarah na inform niya si mommy niya para wala kaming bulilyaso na hindi namin siya dala pauwi,” paliwanag ni Tamara.

“Tinext na namin si Ma’am Divine na, ‘For info lang po, pinapauna kami ni Ma’am Sarah umuwi. Tapos sabi niya huwag kayong aalis diyan. Malapit lang kami, papunta na kami diyan,’” dagdag pa niya.

Dumating daw si Mommy Divine sa hotel makalipas ang 20 minuto kung saan nagsimula ang gulo.

“Mga pangit na salitaan ‘yung pinagpalitan ng pamilya sir eh. Pangit na ‘yung mga lumalabas na salita. Both sides sir may nabibitiwan na salita. ‘Yung salita hindi ako umaawat pero ‘yung may balak na saktan, umaawat ako,” sabi pa ni Tamara.

Dinala raw ni Tamara ang mag-inang Divine at Sarah sa isang kuwarto kung saan nag-usap ang mga ito.

Pero matapos mag-usap ang mag-ina ay hindi pa raw naayos ang iringan hanggang sa dumating si Vic del Rosario, ang boss ng Viva Entertainment kung saan under si Sarah.

“Hindi ko po alam kung anong [pinag-usapan nila]. Si Boss Vic (del Rosario) po dumating. Lumabas naman si Ma’am Sarah. ‘Yung Boss Vic naman po and Ma’am Divine ang nag-usap. Si Ma’am Sarah, kinomfort po nung side ni Sir Matteo,” wika pa ng bodyguard.

Napansin daw ni Tamara na palabas na ng fire exit ng restaurant si Sarah at pamilya ni Matteo kaya sinabi niya ito kay Mommy Divine na inutusan naman siyang buntutan ang singer.

“Sabi niya sa akin, ‘Sundan mo huwag mo hihiwalayan.’ Nung sinundan ko na, tinawag ko si Ma’am Sarah. Sabi ko, ‘Ma’am, puwede po ba bago po kayo umalis, kausapin niyo po muna ‘yung mommy niyo? Sabi nung lalaki sa akin, ‘Huwag ka makialam dito, asawa ko ‘to.’ Sabi ko, ‘Sir, hindi naman po ako nakikialam. Gusto ko lang po, bago umalis si Ma’am Sarah, mag-usap ‘yung mag-ina,’” aniya.

Sa tagpong doon umano siya sinapak sa leeg ni Matteo.

“Sir Matteo, ‘yung totoo lang po. Alam niyo at alam ng buong pamilya niyo na sinapak niyo ako sa leeg. Hindi naman puwede na dahil galit kayo, sasapakin niyo ako. Wala naman po akong ginagawa sa inyo. ‘Yung attorney niya ‘yung [humingi ng sorry sa akin]. Tapos ‘yung mommy niya at taga-Victory,” dagdag pa niya.

Dahil sa nangyari ay maghahain daw si Tamara ng reklamo laban kay Matteo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?