5

Oct 16, 2020 @ 10:25

Matapos mamigay ng module, 245 guro sapul ng COVID

245 guro mula sa Calabarzon at sa Central Luzon ang umano’y nahawa sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos nilang mamahagi ng mga learning module ng mga distance learner.

Ayon ito sa naiulat sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), bigkas ni ACT secretary general Raymond Basilio.

Samantala, may 52 non-teaching personnel naman na tinamaan ng COVID-19.

Nahawa aniya ang mga ito sa mga coronavirus-positive na magulang ng mag-aaral.

Anim na guro naman na ang sumakabilang-buhay dahil sa coronavirus, batay sa huling tala ng ACT.

Sa isang press release sa Facebook, hiniling ng ACT ang pagpapanumbalik ng kinaltas sa panukalang 2021 budget ng Department of Education (DepEd) at dagdag pang P136.6 bilyon sa nasabing ahensiya “to cover critical items to ensure the delivery of safe, quality and accessible education.”

Wika ni Basilio, ang P126.39-bilyon sa kanilang hiling na dagdag-pondo ay para sa teaching at learning resources at techniques na kailangan para sa distance o blended learning habang may pandemya.

P8.55-bilyon naman ang gusto ng ACT na ilaan para sa health screening at COVID-19 mass testing ng mga DepEd personnel, medical fund para sa libreng pagpapagamot, pamimigay ng personal protective gear, hazard pay para sa community-based duties, at pagpapanumbalik ng World Teachers Day (WTD) incentive at medical allowance.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: , ,