364
Abante-Tonite-trillanes
Sep 25, 2018 @ 19:23
By

Matapos magpiyansa: Trillanes muling manunuluyan sa Senado

Pansamantalang makakalaya ngayon si Senador Antonio Trillanes. Ito’y matapos niyang maglagak ng P200,000 piyansa sa Makati Regional Trial Court Branch 150 na nag-isyu ng warrant of arrest laban sa kaniya.

Ipinaaresto ng korte si Trillanes matapos buhayin ng korte ang kaniyang kasong rebelyon kaugnay ng 2007 Manila Peninsula siege.

Ibinasura na ni Judge Elmo Alameda ng RTC 150 ang nasabing kasong rebelyon dahil sa amnestiya na ibinigay ni dating Pangulong Benigno Aquino III kay Trillanes at iba pang rebeldeng sundalo noong Setyembre 2011.

Pero binawi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiya dahil hindi umano dumaan sa tamang proseso.

Pasado alas-3 ng hapon isinilbi ang warrant of arrest kay Trillanes habang nasa senators’ lounge.

Sinaksihan nina Senate President Tito Sotto, Senador Bam Aquino, Senador Panfilo Lacson at abogado ni Trillanes ang pagsisilbi ng warrant of arrest na pinangunahan ni NCR Police Office chief Director Guillermo Eleazar.

Binasa sa kaniya ni Makati Police chief Senior Supt. Rogelio Simon ang warrant of arrest at ito na rin ang bumigkas ng Miranda rights ng senador.

Sa sumunod na isang oras, sumailalim siya sa booking procedures sa Makati Police headquarters at naglagak ng piyansa sa korte.

Pagsapit ng alas-5:20 ng hapon, nakabalik na ito sa Senado kung saan patuloy itong mananatili dahil binabantaan pa rin umano na dadakpin ng militar para isalang sa court martial proceedings.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?