61

Oct 1, 2020 @ 13:48
By

Matapos mag-speech, Cayetano nakipagkita kay Duterte

Kinumpirma ng Malacañang na nakipagkita si House Speaker Alan Peter Cayetano kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkules ng gabi, matapos ang mga naging kaganapan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na pasado alas-siyete ng gabi nitong Miyerkules nang makipagkita si Cayetano sa Pangulo subalit walang ibinigay na detalye kung ano ang mga napag-usapan matapos ang kontrobersiya sa Kamara.

Kasama aniya ni Cayetano ang kanyang asawang si Congressman Lani Cayetano at kapatid na si Senador Pia Cayetano at Deputy House Speaker Bro. Eddie Villanueva.

Muling inulit ni Roque na ang issue sa liderato ng Kamara ay panloob na usapin ng mababang kapulungan ng Kongreso at hindi makikialam ang Ehekutibo.

“Ulitin ko po yung paninindigan ng ating Presidente, yung pagpili ng liderato ng Kamara ay isang internal matter para sa Kamara de Representante at nirerespeto ng Presidente ang naging desisyon ng Kamara na ibinasura yung pagbibitiw ni Speaker Alan Cayetano,” ani Roque.

Ang bilin lamang aniya ng Pangulo ay kailangang maipasa ang 2021 national budget para maisakatuparan ang COVID-19 response ng pamahalaan.

“Ang bilin po niya kinakailangan mapasa talaga yung budget sa lalong mabilis na panahon dahil nakapaloob sa budget yung ating COVID-19 response,” dagdag ni Roque.

Binigyang-diin ng kakihim na kapag nadiskaril at hindi naipasa sa takdang panahon ang proposed national budget para sa susunod na taon ay gagamit ang gobyerno ng re-enacted budget na hindi naman pinaglaanan ng pondo para sa virus response.

“Kung magkakaroon tayo ng reenacted budget ay yung budget sa taong ito ay wala pang COVID-19 response dahil wala pang COVID,” wika ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?