447

Dec 23, 2019 @ 16:10
By

Matapos ideklara ang ceasefire, NPA lumusob – Army

Wala pang isang araw matapos ideklara ng Pangulong Rodrigo Duterte ang unilateral ceasefire laban sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA), dalawang magkasunod na atake ang ginawa umano ng mga komunista sa lalawigan ng Iloilo at Labo, Camarines Norte na ikinasawi ng isang sundalo, at kinasugat ng walong iba pa na kinabibilangan ng anim na sundalo at dalawang pulis.

Base sa ulat mula sa 9th Infantry Division ng Philippine Army, nangyari ito dakong alas-9:00 ng umaga, Disyembre 23, habang pauwi na ang mga miyembro ng 92nd Division Reconnaisance Company pabalik sa kanilang kampo matapos ang deklarasyon ng Suspension of Military Operations (SOMO).

Pagsapit umano sa Barangay Baay ng nabatid na bayan ay tinambangan sila ng hindi pa batid na bilang ng mga diumano’y NPA at pinaputukan, habang isang improvised explosive device (IED) ang inihagis sa mga ito dahilan ng pagkasawi ng isang sundalo at pagkasugat ng anim na iba pa.

Hindi naman muna binanggit ang pangalan ng nasawing sundalo at mga kasamahang sugatan dahil hindi pa alam ng kanilang mga pamilya ang nangyari sa kanila.

Samantala, sugatan din ang dalawang pulis na nakilala lamang na sina Patrolman Galve at Staff Sgt. Lindo matapos ang ginawang pagpapasabog ng IED ng mga diumano’y NPA sa Barangay Singon sa bayan ng Tubungan, Iloilo, Lunes din ng umaga.

Nabatid na pabalik na sa kanilang base ang dalawang pulis lulan ng mobile car bang tambangan sila ng hindi pa mabatid na bilang ng mga NPA. Suwerte namang nakalabas sila ng killing zone at matagumpay na nakatakas kahit sugatan ang mga ito.

Ang dalawang ulat ng Philippine Army ay mariin namang kinondena ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) dahil wala pang isang araw matapos magdeklara ng unilateral ceasefire ang pamahalaan sa CPP-NPA ay umatake na umano ang makakaliwang grupo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?