55

Nov 28, 2019 @ 16:47
By

Matapos ang P2.6B drug bust: Death penalty pinamamadali ng DDB, PDEA, PNP

Pinamamadali na ng Dangerous Drugs Board (DDB), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang pagpasa ng death penalty sa bansa matapos masabat ang higit P2.6 bilyong halaga ng shabu sa mga lungsod ng Makati at Las Pinas nitong Miyerkules.

Sa isinagawang press conference sa Camp Crame na dinaluhan ng mga opisyal ng DDB at PDEA, sinabi ni PNP Officer in Charge (OIC) Police Lt. General Archie Gamboa, tila hindi na natatakot ang mga sindikato na magpasok ng iligal na droga sa bansa sa kabila ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan kontra rito.

Kahapon pinresenta sa Camp Crame ang mga nakuhang shabu sa dalawang operasyon, gayundin ang mga suspek na sina Lui Chao, na naaresto sa apartment na pinag-iimbakan ng shabu sa Makati City, at magkapatid na Joel at Merwin Bustamante, umano’y drug courier ni Chao na naaresto naman sa follow-up operation sa Las Pinas City.

Ang operasyon ang pinakamalaking drug bust ngayong taong 2019, ayon pa kay Gamboa.

“Importante talaga ang death penalty kasi [kapag kulong lang], puwede sila mas maging enhanced yung kanilang business; they get to have a meeting of all those personalities who are involved in this trade in prison kasi nandun sila lahat,” pahayag ni Gamboa.

Matatandaang nauna nang pumabor sa pagbabalik ng death penalty ang mga dating hepe ng PNP na sina Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at Oscar Albayalde.

“[W]e are very thankful we found an ally in the Senate, through, syempre, nandyan si Senator Bato, and I think he has the same stand,” hayag ng PNP OIC.

Ayon naman kay DDB Chairman Catalino Cuy, malaki umanong insentibo sa mga sindikato ng iligal na droga kung walang death penalty dahil patuloy ang negosyo nila sa bansa.

“The lack or absence of death penalty and stricter penalties is actually an incentive for criminal elements to do business dito sa Philippines: parang ease of doing business ito sa kanila, that’s why they are here,” ani Cuy.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?