139

Oct 27, 2017 @ 16:12

Matagal na pagkaka-upo sa trabaho, bawal na rin

Matapos ipagbawal ang sapilitang pagpapasuot ng mataas na de-takong na sapatos, nagpalabas ng panibagong kautusan ang Department of Labor and Employment kaugnay ng panganib sa kalusugan na maaring idulot ng matagal na pag-upo habang nasa trabaho.

Ito ay sa pamamagitan ng Department Order No. 184 na na nag-aatas sa mga kumpanya na magpatupad ng limang minutong break sa bawat dalawang oras na nakaupo sa trabaho ang mga manggagawa at himukin sila na tumayo at maglakad-lakad.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, layunin ng kautusan na tiyakin ang occupational health ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Sa ilalim din ng bagong kautusan, inaatasan ang mga employer na tiyaking akma sa uri ng trabaho ang mga work station at madali ring makakagalaw ang mga empleyado.

Hinihimok din ng DOLE ang mga employer na magsagawa ng health promotional activity na makapagpapataas sa kalinangan ng mga manggagawa kaugnay sa negatibong epekto sa kalusugan ng matagal na pag-upo sa trabaho.

Ilan sa mga isyung pangkalusugan na dulot ng matagal na pag-upo ay ang pagkakaroon ng musculoskeletal disorder, high blood pressure, sakit sa puso, anxiety, diabetes at obesity.

Magkakabisa ang kautusang ito ng DOLE labing limang araw pagkatapos nitong mailathala. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?