10

By

Mataas na voter turnout, inaasahan sa Bangsamoro plebiscite

Sharing is caring!

Umaasa ang Commission on Elections (Comelec) na magiging mataas ang voter turnout o bilang ng mga botante na makikiisa sa plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL).

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, 75-percent ang inaasahan nilang voter turnout sa plebisito na idaraos sa Enero 21 at Pebrero 6.

Ang plebisito ay gagawin sa mga lugar na sakop ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), Isabela City sa Basilan, Cotabato City, pati na sa mga lugar sa Lanao del Norte maliban sa Iligan at anim na bayan sa North Cotabato.

Mayroon umanong kabuuang 2.8 milyon na mga rehistradong botante sa nabanggit na mga lugar.

Ang botohan ay gagawin umano sa 1,845 clustered precinct na binubuo ng 9,377 precincts.

Ang mga botante sa apat na teritoryo ng ARMM na kinabibilangan ng Lanao del Sur, Maguindanao, Tawi-Tawi at Sulu ay sasagot lamang umano sa iisang taong: “Payag ba kayo na pagtibayin ang Batas Republika Blg. 11054 na kilala din bilang “Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao?”

Iyon namang mga nasa Basilan ay sasagot sa dalawang katanungan: una ay kung pabor pa sila sa ratipikasyon ng BOL at ikalawa kung payag ba silang maging bahagi ang Isabela City ng Bangsamoro Autonomous Region.

Iyon namang nasa Isabela City at Cotabato City ay sasagot sa tanong kung payag ba silang mapasakop sa Bangsamoro region.

Ipinaalala pa ni Jimenez na dapat sundin ng mga botante ang panuntunan sa pagboto para matiyak na ang kanilang boto ay mabibilang.

“The ruling has been made that a check or an x (mark) will not be considered as a yes or a no vote… It will be like an abstention,” saad ni Jimenez.

Aniya, ang tanging tatanggapin lamang ng Comelec ay ang mga tugon na “oo” o “hindi” o ang katumbas na salita ng “oo” o “hindi” sa kanilang dayalekto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?