26

Jul 19, 2021 @ 15:08
By

Mataas na score ni Roque sa anti-corruption drive mapanlinlang – CIBAC

Maituturing umanong mapanlinlang ang mataas na grado na ibinigay ni Presidential spokesman Harry Roque sa anti-corruption drive ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Deputy Speaker at CIBAC Rep. Eddie Villanueva, mahirap masabi na totoo ang grading na 8 out of 10 na ibinigay ni Roque dahil maraming bagay ang kailangang ikonsidera.

“Has our score in Transparency International’s Corruption Perceptions Index (CPI) improved since 2016? No. Has the Freedom of Information (FOI) Bill been passed? No. Self-assessments are good but misleading if isolated from other real-world facts,” sabi ni Villanueva.

Upang malaman ang totoo dapat ay magpasa umano ang gobyerno ng Freedom of Information Bill (FOI) na magagamit ng publiko upang makuha ang mga kinakailangan nitong impormasyon para matukoy kung nagkaroon ng katiwalian o hindi.

Mula 2016 hanggang 2020 ay naglaro umano ang Pilipinas sa 34 at 36 puntos sa Corruption Perceptions Index (CPI), kung saan ang 0 ang pinakamataas ang korupsyon at 100 puntos ang pinakamalinis.

Sa 179 bansa noong 2020, ang Pilipinas ay nasa 110 level kasama ang mga sub-Saharan country gaya ng Eswatini, Sierra Leone, at Niger.

Naniniwala si Villanueva na gaganda ang ranking ng Pilipinas kung mayroon ng FOI law.

Hanggang ngayon ay naghihintay pa rin umano ang CIBAC na sertipikahan ni Duterte ang FOI bill upang agad itong maisabatas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?