51

Jul 24, 2018 @ 13:56
By

Mataas na kita ng GOCCs, magagamit sa gov’t programs – Palasyo

Ipinagmalaki ng Malacañang ang mataas na koleksiyon ng Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) ngayong taon kumpara noong 2017.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, mula sa P19.1 bilyong remittances noong nakalipas na taon ay umakyat ngayong taon ng P31.297 bilyon na mas mataas ng 64%.

Dahil dito, sinabi ni Roque na nalagpasan ng Department of Finance (DOF) ang isang buong taong kita nito mula 2015-2017 sa koleksiyon gayong kalagitnaan pa lamang ng Hulyo.

Sinabi ng kalihim na malaking bagay ang mataas na koleksiyon dahil magagamit ito sa mga programa ng gobyerno, at patunay lamang ito na seryoso ang Duterte administration sa mga isinusulong na pagbabago sa bansa.

Matatandaang sa mga nakalipas na administrasyon ay halos hindi nakakatulong ang GOCCs at sa halip ay nagiging pabigat pa dahil halos walang kita ang mga ito o kaya naman ang iba ay palugi ang operasyon.

Kabilang sa top 10 GOCCs na nakapagbigay ng malalaking remittances sa gobyerno ay ang Civil Aviation Authority of the Philippines, Philippine Ports Authority, Philippine Deposit Insurance Corp., Philippine Amusement and Gaming Corp., Philippine Charity Sweepstakes Office, Bangko Sentral ng Pilipinas, Manila International Airport Authority, Food Terminal Inc., Development Bank of the Philippines; at Bases Conversion and Development Authority.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?