109

Feb 24, 2020 @ 14:50
By

Mataas na buwis sa ‘Pinas, hindi dahilan ng pagsasara ng Honda – Palasyo

Walang kinalaman ang mataas na pagbubuwis sa bansa sa pagsara ng sangay ng Honda sa Pilipinas.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos ianunsiyo ng Honda Philippines nitong weekend ang pagsasara ng kanilang planta sa Laguna.

Sinabi ni Panelo na walang kinalaman ang mataas na buwis ng gobyerno sa pagsasara ng nabanggit na kumpanya ng sasakyan dahil batay sa pagkakaalam nito, natatalo ang Honda sa labanan ng kalidad ng kanilang mga produkto.

“I don’t think that’s the reason for  their  closure. Ang sinasabi nila, centered on cost competitiveness on local operations. Parang natatalo sila sa labanan ng quality, parang mas mura pa pag nag-import sila. Yan ang pinaka-reason nila,” ani Panelo.

Kung ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) 1  ang dahilan sa pagsasara ng nabanggit na kumpanya, sinabi ni Panelo na sana ay may iba pang kumpanyang magsasara.

Iginiit ng kalihim na ang planta lamang ng Honda ang nagsara at hindi ang buong sangay ng kumpanya na nasa bansa.

“Kung totoo iyon, eh di hindi lang sila ang magsasarado,” dagdag pa ni Panelo.

Nagpupulong na aniya ang mga economic manager ng gobyerno para tingnan ang magiging epekto ng pagsasara ng planta ng Honda sa Pilipinas.

Nakikipagpulong na rin aniya si Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III sa mga opisyal ng Honda sa Laguna para sa mga manggagawang maaapektuhan ng pagsasara ng planta.

“Pinag-aaralan na lahat ng economic managers  natin kung ano ang magiging consequences. At ang kanilang conclusion diyan ay  para sa kabutihan  natin at sa kanila din,” wika pa ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?