135

Mar 21, 2019 @ 15:32
By

Mataas na benepisyo ng mga retirado, siniguro ng SSS

Inanunsiyo ng Social Security System (SSS) na simula sa Abril 1 ipatutupad na ang bagong iskedyul ng kontribusyon kung saan tataas ang savings rate ng mga miyembro na magbibigay ng mas mataas na benepisyo sa kanilang pagreretiro.

Alinsunod sa Batas Republika 11199 o Social Security Act of 2018, tataas ang kontribusyon sa 12 porsiyento mula sa kasalukuyang 11 porsiyento simula sa ikalawang bahagu ng taon.

Kasabay nito iaangat din ang Monthly Salary Credit (MSC) na magiging P2,000 ang pinakamababa at P20,000 naman ang pinakamataas.

Sinabi ni SSS officer-in-charge Aurora Ignacio na napapanahon na itaas ang kontribusyon at MSC ng SSS upang mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro na makapag-ipon para sa kanilang pagreretiro.

Aniya, kasabay ng pagtaas sa kontribusyon ay tataas din ang halaga ng mga benepisyo at pribilehiyo dahil itinaas din ang maximum MSC sa P20,000.

Gayundin, ang miyembro na nakapagbayad ng minimum na 120 kontribusyon na base sa lumang maximum MSC na P16,000 ay tatanggap ng buwanang pensiyon na P6,400.

Samantala, kung siya ay magbabayad base sa bagong maximum MSC na P20,000, siya ay tatanggap ng P8,000 na pensiyon kada buwan.

Sinabi ng SSS na makatuwiran ang isang porsiyentong pagtaas sa kontribusyon at ginawang halimbawa ang empleyado na may buwanang sahod na P10,000.

Tataas ang kasalukuyang personal na buwanang kontribusyon ng P36.70 kung saan ang kasalukuyang P363.30 ay magiging P400.00 habang ang employer naman ay magbabayad na ng P800.00, mas mataas ng P63.30 mula sa kasalukuyang P736.70 na employer share.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?