30

Jan 10, 2022 @ 15:10
By

Mass testing hindi kakayanin ng gobyerno

Hindi kakayanin ng gobyerno ang gastos kung magpapatupad ng mass testing para matukoy kung sino ang mga positibo sa COVID-19.

Tugon ito ni Testing Czar Secretary Vince Dizon sa mungkahi ng ilang mambabatas na balikatin ng gobyerno ang pagpapasuri ng publiko sa COVID-19 sa pamamagitan ng mass testing.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Dizon na malaking halaga ang kakailanganin ng gobyerno kung magpatupad ng maramihang COVID testing na sasagutin ng gobyerno.

“Ang problema diyan ay resouces. Assuming 100 thousand a day ang tine-test, times P2,000 na siyang current cap at average price ng RT-PCR test. P200 million po yun kada araw. Sa loob lamang ng sampung araw P2 billion na po yun,” ani Dizon.

Ang ginagawa aniya ng gobyerno ay risk-based testing , partikular ang mga exposure sa mga may COVID-19 para magamit ng tama ang resources ng gobyerno.

“Never naging polisiya ng gobyerno ang free mass testing. Kailangan talaga risk-based ang testing lalo na dito sa Omicron na napakabilis at napakalawak ng paghahawa,” dagdag ni Dizon.

Hindi aniya praktikal ang rekomendasyon ng ilang mambabatas na libreng mass testing dahil walang siyento porsiyentong agad natutukoy na mayroong COVID-19 ang isang tao.

“Walang test, kahit ang PCR 100% na nade-detect at that point in time ang COVID-19. Talaga pong impractical at hindi po nararapat na sundin ‘yung mga recommendation na ‘yon, with all due respect sa mga mambabatas,” wika ni Dizon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?