197

Jan 30, 2019 @ 14:37
By

Mass murderers nasa likod ng pambobomba sa Zamboanga – Palasyo

Kinondena ng Malacañang ang panibagong insidente ng pambobomba na nagresulta sa pagkasawi ng dalawa katao at pagkasugat ng apat na iba pa sa isang mosque sa Zamboanga.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang magkasunod na pag-atake ng mga terorista ay pagpapakita ng kawalang-budhi at kawalan ng takot sa Diyos na pumatay ng mga inosenteng sibilyan.

Tinawag ng Malacañang na mass murderers ang mga nasa likod ng panibagong pambobomba at tiniyak ni Panelo na tutugisin sila ng mga awtoridad gamit ang buong puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) hanggang sa maparusahan ang mga ito.

“The successive attacks on two different places of worship depict the ruthlessness and the godlessness of these mass murderers. The Armed Forces of the Philippines will unleash its might and weaponry against these enemies of the state and hunt them ferociously and relentlessly until the law rolls down its guillotine on them,” ani Panelo.

Aminado ang kalihim na malaking hamon sa kakayahan ng gobyerno ang panibagong insidente lalo na sa pagtiyak sa kaligtasan ng mga mamamayan sa Mindanao.

“This latest act of murder apart from the terrorists sowing terror in the Mindanao region, coming as it does in the wake of the Jolo dastardly bombing, is a taunting challenge to the capability of the government to secure the safety of the inhabitants in Mindanao,” dagdag pa ni Panelo.

Pero sa kabila ng magkasunod na insidente ng pambobomba, sinabi ng kalihim na hindi magpapadala sa takot ang mga taga-Mindanao at sa halip ay tuloy ang buhay para sa kanila kasabay ang pagiging alerto sa kanilang komunidad laban sa mga taong may mga kahina-hinalang kilos.

Tiniyak ng Malacañang na magtutuloy-tuloy ang pagsusulong ng kapayapaan at pag-unlad para sa mga taga-Mindanao at hindi magpapadala sa anumang uri ng balakid sa kabila ng mga naganap na insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?