17

Dec 4, 2020 @ 14:19
By

Mass layoff sa Dole PH imbestigahan – Hontiveros

Hinikayat ni Senadora Risa Hontiveros ang Department of Labor and Employment (DOLE) na siyasatin ang iregularidad kaugnay sa pagtanggal sa trabaho ng halos 500 regular na manggagawa ng Dole Philipppines, Inc. (Dolefil), isang malaking producer at exporter na pinya sa bansa.

“Nanawagan ako sa DOLE to immediately look into this case. Ngayong panahon ng pandemya, hindi natin pwedeng talikuran ang mga nawalan ng hanapbuhay lalo’t may nakita silang iregularidad sa kanilang retrenchment,” sabi ni Hontiveros.

Sa kanyang liham kay Labor Secretary Silvestre Bello, sinabi ni Hontiveros na batay sa Annual Audited Financial Statement ng Dolefil, hindi naman nakaranas na pagkalugi ang kumpanya nitong mga nagdaang taon hindi sila dapat magbawas ng mga manggagawa.

Taliwas aniya ito sa sinabi ng kumpanya sa mga manggagawa na naging basehan ng kanilang pagpapadala ng notice of terminination sa kanila.

Mas inuna pa umanong tanggalin ang mga regular na manggagawa sa halip na mga contractual employee.

“Nakakaalarma rin na sa kabila ng pagreregular nila sa nasa 5,000 employees noong 2018 bilang suporta sa kampanya ng gobyerno laban sa endo, nagpatuloy pa rin silang maghire ng contractual workers. This clearly belied the basis given for the retrenchment of its regular workers,” sabi ni Hontiveros.

Kuwestiyonable din umano ang inihaing notice of retrenchment ng Dolefil noong Setyembre 18, 2020, tatlong araw matapos ang aktuwual pagtanggal sa mga manggagawa noong Setyembre 18, 2020.

Dahil dito, hiniling ni Hontiveros sa DOLE sa agad na mamagitan sa Dolefil at sa mga natanggal na manggagawa para matukoy ang posibleng paglabag ng kumpanya sa labor law.

Hinikayat din nito ang DOLE ang tingnan din ang iba pang kumpanya na iligal na nagtatanggal ng mga kawani at tiyaking nababalewala ang karapatan ng mga manggagawa.

“Ngayong maraming negosyo ang naapektuhan ng economic recession, huwag nating hayaang masangkalan ang kapakanan ng mga manggagawa. At the end of the day, workers’ welfare and rights should come first. They should always be our top priority,” sabi ni Hontiveros.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?