By

Mass arrest, ikinabahala sa subpoena powers ng PNP, CIDG

Sharing is caring!

Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga miyembro ng grupong manggagawa sa Gate 2 ng Camp Crame sa Quezon City kanina.

Kinalampag ng 10 na miyembro ng Kilusang Mayo Uno ang tanggapan ng Philippine National Police (PNP) alas-10:30 ng umaga para ipakita ang kanilang pagtutol sa Republic Act 10973 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sigaw ng mga ito, na sa pamamagitan ng subpoena powers na ipinagkaloob sa hepe ng PNP, Director at Deputy Director for Administration ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay posibleng magkaroon ng ‘mass arrest’ at paglabag sa ‘due process’.

Maikokonsidera anilang anti-poor ito dahil pawang mga mahihirap at manggagawa ang maaapektuhan nito.

Natatakot aniya sila dahil baka maabuso lang ang subpoena powers at magamit lang sa hindi tamang paraan.

Kahapon sinabi ni PNP Chief Ronald dela Rosa na ipapaubaya niya na lang sa CIDG ang paggamit ng subpoena powers at gagamitin lang niya ito kung kinakailangan.

Tiniyak niya rin na hindi nila ito aabusuhin ang karapatang ito dahil may proteksiyon naman umano ang nasabing batas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?