236

Oct 1, 2017 @ 17:54

Mason grinipuhan sa tagiliran ng obrero

Naliligo sa sariling dugo at patay na ang isang mason ng magisnan ng kanyang kasamahang obrero sa loob ng kanilang pinagtatrabahuhang construction site sa Quezon City.

Ang biktima ay nakilalang si Frederick Vergara Zafe, 37, binata at stay-in sa construction site na matatagpuan sa no. 817 Quirino Highway, Barangay Gulod, Novaliches. Siya ay may malalim na saksak sa dibdib, tagiliran at malalim na sugat sa ulo.

Agad namang tumakas ang kasamahang suspek na nakilalang si Ranil Digos, 32, tubong Tatabunan, Talalora, Western Samar at naninirahan sa no. 21 Abad Santos, Salawag Dasmarinas, Cavite.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Christian Loyola ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang insidente ay naganap dakong alas-7:20 ng gabi sa loob mismo ng construction site.

Sinabi ni Julius Zarate, kasamahan ng biktima at nagreport sa pulisya sa naganap na krimen, dakong alas 11: 30 ng gabi ay nagisnan na lamang niyang duguang nakahandusay ang kasamahang si Zafe.
Marahil ay sa sobrang pagod sa trabaho ay hindi umano siya nagising habang nangyayari ang pagpatay sa kasamahan.

Batay naman sa pahayag sa pulisya ni Jesus Baitan, kasamahan rin ng biktima, nasa ikalawang palapag siya nang itinatayo nilang gusali at habang naghuhugas siya ng kanyang pinagkainan ay narinig niya ang malakas na sigawan dahilan upang silipin niya ito.

Nakita niyang nag-aaway ang biktima at ang suspek hanggang sa kumuha ng matalas na tubo si Dignos at pinalo sa ulo si Zafe bago sinaksak sa dibdib.

Nang duguang bumulagta ang biktma ay mabilis na tumakas ang suspek.

Ayon kay Baitan, natakot siya na magpakita, pumagitna at umawat sa away dahil baka madamay pa siya at saksakin din ni Dignos, kaya agad siyang bumalik sa kanyang tinutulugan.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pananaksak at nagsagawa na rin ng manhunt operation para sa agarang ikadarakip ng nasabing suspek na hinihinalang umuwi sa kanilang bahay sa Samar para magtago. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?