risa-hontiveros-kolumn
By

Mas pinalakas na batas laban sa HIV malapit ng maipasa

Sharing is caring!

Mahigit isang dekada na akong nakikipaglaban at ang Akbayan Party kontra sa paglaganap ng human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immune deficiency syndrome (AIDS) sa bansa. Kung titingnan ang datos sa Pilipinas, lubhang nakakabahala ang paglobo ng kaso ng HIV-AIDS. Kung pababa ang trend ng kaso ng HIV sa ibang bansa, sa Pilipinas, pataas ito.

Noong 2012, ang Pilipinas ay may naitatalang 9 na kaso ng HIV araw-araw. Ngayong taon, ito ay umakyat sa 31 na kaso kada araw. Nito lamang nakalipas na 5 taon, mahigit 41 libong tao ang nagpositibo sa HIV. Ito ay seryosong isyu na dapat tutukan hindi lamang ng ating pamahalaan kung hindi maging ng buong lipunan.

Malaking bahagi ng mga bagong nagpositibo sa HIV ay ang mga kabataang nasa 15 hanggang 30 taong gulang. Ang mga kabataan ay dapat nabibigyan ng tama at sapat na impormasyon tungkol sa reproductive health upang makaiwas sa HIV at iba pang sexually transmitted diseases.

Nitong linggo lamang, ipinasa ng Senado sa ikalawang pagbasa ang aking panukalang Senate Bill 1390 o ang “Philippine HIV and AIDS Policy Act.” Ang batas na ito ay nagbibigay ng maayos na balangkas upang matugunan ang mga pangangailangan ng bansa para masugpo ang problema ng HIV-AIDS sa bansa at mabigyan ng karampatang ayuda ang mga taong biktima ng sakit na ito.

Bukod sa pagprotekta sa kalusugan ng mga biktima ng HIV-AIDS, napakaimportante rin na ang mga pasyente ay igalang bilang tao at hindi pagkaitan ng kanilang mga karapatan sa trabaho, kalusugan at maging miyembro ng ating lipunan. Habang kumakalap ang siyensa ng mga paraan para magamot ng tuluyan ang HIV, ang mga mamamayan ay dapat matuto isawata ang diskriminasyon na iniinda ng mga may HIV-AIDS.

Nito ring Martes ay nagsagawa ng photo exhibit sa Senado ang ating mga kasama sa Action for Health Initiatives (ACHIEVE) upang bigyang buhay ang mga istorya ng mga taong nabiktima ng HIV-AIDS. Lakas-loob at taas-noo nilang nilabas ang istorya ng mga taong nabubuhay na may HIV-AIDS upang makita natin kung paano binago ng sakit na ito ang kanilang buhay at kung paano natin matutugunan ang kanilang mga suliranin.

Nais ko ding ipaalala na ang anumang uri ng panlalait at diskriminasyon ay isa sa mga posibleng rason kung bakit ayaw magpa-HIV test ng iba at ayaw humingi ng mga libreng tulong mula sa gobyerno o sa mga non-government organizations.

Lahat ng Pilipino ay may karapatang magkaroon ng pinakamaganda at maayos na pangangalagang pagkalusugan. Ipaglaban natin ang pagpasa ng ating panukalang batas upang maibigay natin sa ating mga kababayang may HIV ang karapatan na mabuhay ng maayos at may dignidad.

####

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, magpadala lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?