204

Mga lalaki mas madaling mamatay sa AIDS kesa babae – UN

Sa pagdami ng mga taong tinatamaan ng human immunodeficiency virus (HIV), ang mga lalaki umano ang mas may malaking tiyansa na mamatay dahil dito kesa sa mga babae.

Ayon sa Joint United Nations Programme on HIV and AIDS (UNAIDS) sa World AIDS Day, kaunti lang ang bilang ng mga lalaki na nagpapa-test kaugnay sa HIV o may access sa antiretroviral therapy kaya’t mataas ang tiyansang mamatay sa AIDS-related disease.

Sa buong mundo umano, mas kaunti pa sa kalahati na mga lalaki na positibo sa HIV ang nakakakuha ng paggamot kumpara sa 60 porsiyento ng mga kababaihan, ayon pa sa ulat na inilabas ng UNAIDS.

Ang mga lalaki rin umano ay huli na bago nagpagamot at kung minsan naman ay itinitigil ang pagpapagamot at hindi na nagpa-follow up matapos ang treatment.

“Addressing the inequalities that put women and girls at risk of HIV is at the forefront of the AIDS response,” ayon sa pahayag ni Michel Sidibé, executive director ng UNAIDS. “But there is a blind spot for men—men are not using services to prevent HIV or to test for HIV and are not accessing treatment on the scale that women are.”

Nasa 36.7 milyong katao umano sa buong mundo ang nabubuhay na may HIV noong 2016, ngunit mababa pa sa 21 milyon ang may access sa antiretrovirals, na pumipigil sa paglaki ng virus.

Pumatay na ng 1 milyong katao noong 2016 ang AIDS o mga sakit na may kinalaman dito kung saan 1.8 milyon pang kaso ang naitala.

Sa sub-Saharan Africa umano, mababa ang bilang ng mga lalaking may edad na gumagamit ng condom, na maaaring positibo sa HIV.

“These data are consistent with studies showing a cycle of HIV transmission from older men to younger women, and from adult women to adult men of a similar age in places with high HIV prevalence,” anang UNAIDS.

Ang mga bakla umano ang 24 times na mataas ang tiyansang makakuha ng HIV kesa heterosexual men o tuwid ang seksuwalidad na mga lalaki.

Dagdag pa ng UNAIDS, dosenang bansa umano gaya ng Mexico at Nigeria, higit sa 15 porsiyento ng gay men ang nabubuhay na may AIDS.

Hindi rin umano madalas gumamit ng condom sa mga bansa tulad ng Australia, Europe at United States.

Bunga nito nais ng UNAIDS na mapalaganap ang kamalayan ng tao hinggil sa sakit na ito upang matamo ang layunin nilang masugpo ang HIV sa 2030.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?