835

Jul 27, 2019 @ 17:38
By

Mas malalim na imbestigasyon sa talamak na korapsyon sa PCSO, inihirit ni Velasco

MANILA – Hinimok ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang liderato ng Kamara na magsagawa ng malalimang imbestigasyon ukol sa umano’y talamak na korapsyon sa mga number games na pinapatakbo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ginawa ni Velasco ang pahayag matapos iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Biyernes ng gabi ang pansamantalang pagtigil sa mga sikat na number games ng PCSO kagaya ng Lotto, Small Town Lottery (STL), Loterya ng Bayan at Keno dahil umano garapalang katiwalian ng mga matataas na opisyal ng ahensya.

“I believe his action should prompt a more in-depth investigation into the gaming schemes not only to ensure that it is free from corruption, but to also assess its impact on the economy and the programs being funded by the PCSO,” saad ni Velasco.

Pinuri ni Velasco ang hakbang na ginawa ng Pangulo sa kabila ng pagtuligsa ng ilang sektor dahil sa mga kapus-palad na mamamayan na umaasa sa tulong pinansyal mula sa nasabing ahensya.

Giit ni Velasco, ipinapakita lamang umano ni Duterte na seryoso ang kanyang administrasyon sa paglaban sa korapsyon matapos nitong ipag-utos ang pansamantalang pagtigil ng mga number games ng PCSO.

“President Duterte is consistent in his strong stance against corruption and we are fully supportive of this policy,” saad ni Velasco.

Ayon kay Velasco, maghahain siya ng pormal na resolusyon sa papasok na linggo upang pormal na magsagawa ng pagdinig ang Mababang Kapulungan sa umano’y talamak na korapsyon sa PCSO.

“This way, we will have a better assessment of the situation.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?