571
pulis
Dec 16, 2017 @ 15:41
By

Mas malaking sahod ng pulis, sundalo ‘wag kainggitan – Palasyo

Hindi dapat sumama ang loob ng mga kawani ng gobyerno kung mas malaki ang magiging sahod ng sundalo at pulis simula Enero ng susunod na taon.

Ito ay sa kabila ng ilalargang third tranche ng salary increase para sa lahat ng kawani ng pamahalaan.

Bukod kasi sa salary increase ay ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na dodoblehin niya ang sahod ng mga sundalo at pulis para hindi na umano mag-isip ng kung ano-anong kalokohan lalo na ang pulis na nasasangkot sa iligal na gawain.

Sinabi kahapon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na sapat ang budget na inihanda ng Department of Finance para sa lahat ng manggagawa sa gobyerno at wala aniyang maiiwanang ahensiya o sektor ng gobyerno.

Kung medyo naiba man sa mga pulis at sundalo, sinabi ni Andanar na karapat-dapat naman ang kanilang salary increase.

“Ako nama’y naniniwala na ang budget po na hinanda sa atin ni Secretary Ben Diokno ay sapat po para sa lahat, sapat po para sa lahat ng civil servants, sapat po sa lahat ng mga proyekto.

“And ako po ay masaya para sa kanila dahil they really deserve this increase in salary,” ang pahayag ni Andanar.

Ngayon pa lamang ay inaabangan na ng mga pulis at sundalo ang pangako ng Pangulo na dobleng sahod pagdating ng Enero 2018.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?