62

By

Mas mahigpit na seguridad ipatutupad sa Manila Cathedral

Hihigpitan ang seguridad sa Manila Cathedral kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga deboto ngayong Semana Santa.

Ayon kay Manila Cathedral rector, Fr. Reggie Malicdem, nakipag-ugnayan na sa kanila ang Philippine National Police (PNP) para sa seguridad sa malalaking simbahan sa Metro Manila matapos ang pagpapasabog sa Jolo Cathedral noong Enero 27.

Aminado ang pamunuan ng Manila Cathedral na hindi sila naging masyadong istrikto sa pagpapatupad ng seguridad sa paligid ng katedral noong mga nakalipas na taon dahil wala namang insidente ng karahasan dito.

Ngayong Semana Santa, may nakatalaga ng pulis sa mga pintuan ng cathedral para sa isasagawang inspeksyon ng mga bag at iba pang dalahin.

Magpapakalat din ng mga K-9 unit bukod pa sa security personnel ng simbahan na iikot sa paligid ng lugar.

Nananawagan naman si Father Malicdem sa mga mananampalataya na magdala na lang ng maliit na bag para sa mabilis at maayos na sistema sa pagpasok sa simbahan.

Samantala, pamumunuan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang paghugas sa paa ng 12 kabataan sa isasagawang Misa ng Huling Hapunan bukas, Huwebes Santo, bilang bahagi ng pagdiriwang ng lokal na simbahan ng “Year of the Youth’.

Ginagawa ang tradisyunal na ‘washing of the feet’ tuwing Huwebes Santo na nagpapakita ng pagmamahal at kababaang loob ni Hesukristo na ipinasa niya sa kanyang mga apostol.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?